Islamic City of Marawi (12 May) -- Tumanggi ang Marawi City Board of Canvassers na gumawa ng "partial proclamation" dahil hindi pa kumpleto ang resulta ng halalan sa lungsod.
Ayon kay City Election Officer Atty. Jubil Surmeida natanggap na nila ang resulta mula sa 114 o 97% ng kabuoang 116 clustered precincts.
Dahil dito, hiniling ng mga abogado ng mga lokal na kandidato na gumawa ng partial proclamation ang Commission on Elections (COMELEC).
Sinabi ni Surmeida na hindi niya ito magagawa dahil hindi ito magiging kapanipaniwala.
Ipinaliwanag ni Surmeida na nagkaroon ng problema sa dalawang compact flash (CF) cards ng dalawang clustered precincts na naging dahilan ng paghinto ng bilangan ng balota.
Hinihintay pa nila ang bagong CF cards na ina-asahang darating dito sa lungsod ngayong hapon dahil ito ay manggagaling pa sa Manila.
Dahil dito minabuti ni Surmeida na ilagay ang mga balota ng nabanggit na dalawang clustered precincts sa Bagumbayan Hall sa City Hall kung saan nagko-convene ang City Board of Canvassers.
Binabantayan ngayon ito ng mga poll watchers ng mga partidong magka-katunggali at gwardiyado rin ng mga pulis at sundalo.
Samantala, sabik na ang mga tao na maiproklama na ng COMELEC ang mga nagsipagwaging lokal na kandidato.
Mayroong tatlong kandidato sa pagka-alkalde dito sa lungsod, kabilang na ang incumbent na si Fahad "Pre" Salic.
Dahil sa pangyayaring ito, isa ang Marawi City sa hindi pa nakapagtransmit ng resulta doon sa provincial board of canvassers.
No comments